Michelle umatras sa Drug Test
Malaki ang tsansang makuha ni Super Tekla—Romeo Librada sa tunay na buhay—ang custody ni Angelo, ang anak nila ng kanyang live-in partner na si Michelle Lhor Bana-ag.
Ito ay dahil mismong ang broadcaster na si Raffy Tulfo ang gagawa ng paraan para mangyari ito.
Idineklara ni Raffy sa Tuesday edition (October 27) ng radio program niyang Raffy Tulfo in Action na tinatapos na niya ang pagtulong kay Michelle dahil kumbinsido siyang gumagamit pa rin ng ipinagbabawal na gamot ang karelasyon ni Tekla.
Humagulgol nang iyak si Michelle nang sabihin ni Raffy ang gagawin nitong paglapit sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makuha ang custody ng apat-na-buwang-sanggol na anak nila ni Tekla at ng kanyang mga pamangkin. “
"Nagisa ka sa sarili mong mantika. So, Michelle, ni singkong duling, wala akong ibibigay na tulong sa 'yo.
"At yung mga bata, mga pamangkin mo, partida ‘to, ipatatanggal ko sa kustodiya mo.
"Tatawagan ko yung DSWD para i-assess. Eventually, matatanggal ‘yan sa 'yo," mariing salita ni Tulfo.
“Yung sa anak mo, ipatatanggal ko rin dahil gagawa ng assessment ang DSWD, lilitaw na gumagamit ka pa rin, at ‘yan ay ibibigay kay Tekla."
Patuloy ni Raffy, “No! No! Kahit umiyak ka ng dugo, wala na akong pakialam kasi huling-huli ka na. Hindi mo na ako madadala sa iyakan.
"Yun lang ang naging susi. Nabuksan yung mga itinatago mong kalokohan. Pandora’s box, ika nga.
"Wala na. Wala na. Kita mo ‘yan? Kasi, hamon ka nang hamon. Pinatulan ko yung hamon mo, hamon pa more!
"Ngayon, pati anak mo, mawawala sa 'yo dahil ipapa-transfer ko ‘yan kay Tekla.
"Sapagkat nakikita ko, mukhang hindi ka karapat-dapat mag-alaga ng bata sapagkat gumagamit ka pa rin.
“Why? Dahil takot kang magpa-drug test! Meaning, you’re still using," kalmado pero halatang galit na pahayag ni Tulfo.
Tumanggi ang broadcaster na kausapin ang kapatid ni Michelle na nais magpaliwanag. Binantaaan pa niya itong "ipapatokhang."
"No, ayokong makausap yung mataba mong kapatid. Wala siyang pakialam dito.
"Pati yung kapatid mo, mamaya ipapatokhang ko pa ‘yang kapatid mo. Siguro lahat kayo diyan, magkakapatid, sama-sama naggu-good time!"
DRUG TEST
Nagalit si Tulfo kay Michelle dahil ito ang unang naghamon ng drug test para patunayang hindi na siya gumagamit ng bawal na gamot.
Pero may hindi kapani-paniwalang alibi si Michelle nang kausapin siya ng staff ni Tulfo para sa pinaplanong drug test.
Ang brilliant excuse ni Michelle, pinayuhan daw siya ng kanyang tita na huwag ipagalaw ang buhok niya.
Apat na buwan pa lamang umano ang nakalilipas buhat nang isilang niya ang anak nila ni Tekla kaya baka mabinat siya.
Hindi pinaniwalaan ni Tulfo ang mababaw na katwiran ni Michelle.
Sabi ng broadcaster, "Very clear na sa akin, this is now an indication to me na meron ka talagang itinatago.
"You’re lying, kasi alam mo, kapag sa urine, kaya mong iwasan.
"Dito kasi [sa buhok], after 90 Days, malalaman kung gumagamit ka pa o hindi."
MICHELLE'S "STORY"
Noong Oktubre 20, lumapit si Michelle kay Tulfo para ireklamo si Tekla ng hindi pagbibigay ng sustento at pang-aabuso umano kapag hindi siya pumapayag na makipagtalik.
Ayon kay Michelle, hindi siya binibigyan ni Tekla ng perang pambili nila ng pagkain ng kanyang mga pamangkin sa tuwing hindi niya sinusunod ang mga kagustuhan ng komedyante.
Tumanggap si Tekla ng mga batikos mula sa netizens dahil sa mga reklamo ni Michelle, pero nagbago ang ihip ng hangin nang magsalita at ipagtanggol siya ng kanyang mga kaibigan na nakakaalam sa tunay na kuwento.
Aral din kay Tulfo ang nangyari dahil muntik na siyang igisa ni Michelle sa sariling mantika.
Sa susunod, dapat na lalong maging maingat si Tulfo at ang kanyang staff sa pagpili ng mga taong tutulungan para hindi na maulit ang ginawa ni Michelle.

Comments
Post a Comment